It was not all gloom and doom when tropical storm Ketsana (Ondoy) ravaged the metropolis causing widespread destruction everywhere. I believe and I have witnessed with my own eyes how it also brought out the best in Filipinos, and this personal testimony from Bro. Rollie is one of those nameless and selfless acts of courage done for those in need. This is written in Filipino, a first in this blog, so to all my foreign visitors in the blog you've got to tug a Pinoy to translate this one for you.
NANG DAHIL KE ONDOY
Linggo, isang araw makalipas manalanta ng bagyong Ondoy sa malaking bahagi ng Luzon... napagkaisahan ng grupo ng Courage na magkita-kita pa rin sa lugar kung saan sila nagtitipon, upang manalangin sa harapan ng Santissima Sakramento at pagkatapos tingnan kung paano makatulong sa mga miyembro na nasalanta ng bagyo.
Matapos ang mataimtim na pagdarasal ng santo rosaryo at chaplet ng banal na awa, at pagninilay sa harap ni Hesus, inilabas ng mga miyembro na dumalo sa pagtitipon ang mga damit at pagkain na nakalaan na ibigay sa pamilya ng mga nasalanta. Naroon ang isang miyembro na taga-Pasig at inilahad niya kung papaano sa pag-uwi niya sa tahanan nila at nasalubong niya ang lagpas tao na baha sa bukana pa lang ng subdivision nila. Labis siyang kinakabahan kung ano na nangyari sa kanyang pamilya na hindi niya malaman kung nasa ikalawang palapag pa ng bahay nila o nasa katapat na simbahan ng Baptist. Bagama't me mga nasalanta rin na kapatid sa Bulacan at Las Pinas, dahil narito na ang kapatid na taga-Pasig na humihingi ng tulong at maaring gumabay papunta sa kanila, napagkaisahan na sa kanila na lang tumungo ang pitong miyembro na kasama.
Bumaba kami sa Rosario, Pasig at naghanap muna ng mabibilhan ng iba pang pagkain at pangangailangan. Me bumili ng pandesal sa bakery, at pagkatapos ay napadpad sa isang Mercury Drug at naghagilap ng gamot, tubig, biskwit, de-lata, noodles at iba pang maaring ipantawid gutom at uhaw ng pamilya ng kapatid namin. Matapos nito nagsimula na kaming maglakad patungo sa lugar na kinatitirikan ng bahay nila. Umabot kami sa tulay kung saan natatanaw na namin ang baha. Kinailangan naming umikot sa ibang daan para makababa sa parte na wala nang baha.
Magtatakip-silim na nang dumating kami sa bukana ng subdivision nila. Napansin namin ang evacuation tent at mga tao na nagkakagulo at duon tumambad sa amin ang lalim ng baha. Tanaw mo ang ilang residente na nakalutang gamit ang mga salbabida, inflatable swimming pools at mga galon ng tubig. Nagbiruan na lang kami "Level 2 na ito" at nagsimulang mag-isip paano kami makapunta sa kalye ng tahanan ng aming kapatid, na hindi man namin matanaw ay alam naming lagpas tao ang lalim nito. Maya-maya dumating ang ilang kapulisan dala-dala ang isang malaking rubber boat. Subalit ayon sa mga taong nakapaligid, para daw ito sa rescue operations ng mga tao na nais nang lumisan sa kanilang lugar at hindi sa pagdadala ng mga relief goods sa mga tao na ayaw lisanin ang mga tahanan nila. Huling byahe na raw nila iyon para sa araw na iyon, sapagkat mahirap nang sumagwan pagkagat ng dilim.
Isang oras ang lumipas. Mahirap pala ang ganung pakiramdam - parang nasa dulo ka na ng PC game na nilalaro mo at hindi mo na alam kung paano mag-level up kasi naubusan ka na nang powers. Me mga dala-dala kaming relief goods, kaya kahit naisin man namin na languyin ang kinaroroonan ng pamilya ng aming kapatid hindi rin namin madadala ang tulong na dapat namin maibigay sa kanila. Ang tanging pag-asa namin ay kung me rubber boat o bangka na magagamit kami na mapaglagakan ng mga relief goods at maibyahe sa tahanan nila. Subalit dumaan ang maraming minuto at walang dumating. Me isang grupo ng mga lalaki na dumating tangan ang lumulutang na styrofoam, subalit huling byahe na raw nila iyon kasi nilalamig na sila sa tubig baha. Nilusong na namin ng isang kapatid ang baha hanggang hita para makipag-unahan sa mga tao na nais makakuha ng tulong mula sa kahit anong lumulutang na maaring magamit pantawid sa mala-dagat na tubig baha. Parang walang pag-asa. Sumagi na sa isip ko na iwanan na ang kapatid namin kasama ng mga relief goods na binili namin sapagkat wala na ako maisip na paraan para makatawid sa dagat na iyon. Naisip ko rin na sana dumiretso na lang kami sa lugar na ito kasi nung maaga-aga daw ay marami pang mga bangka at rubber boats na bumabiyahe patungo sa kalye na dapat naming puntahan. Naisip ko mali siguro ang desisyon ko na unahin ang pagdasal sa banal na Sakramento. Hindi ko na alam ang gagawin, dahil bagamat nais naming tumulong sa aming kapatid, responsibilidad ko rin ang iba pang mga myembro na sumama kung matiyaga man kaming maghihintay na humupa ang baha o me dumating na bangka o bumalik ang liwanag ng haring araw. Nasambit ko "Diyos ko, tulungan mo naman kami".
Isang grupo ng mga lalaki ang nagdala ng bangka sa "pampang" ng tubig baha. Tinanong namin kung maaring mahiram ang bangka ang sabi nila sa barangay daw magpapaalam. Kinaon ko ang isang kapatid na ipagpaalam ang bangka, at nung pumayag ang barangay, tulong-tulong naming itinihaya ang bangka, nilagay sa gitna ang mga relief goods, at itinulak ito pabalik sa tubig baha hanggang sa lumutang ito muli. Ngayon ang tanong "Sino ang sasakay sa bangka?" Natigilan kaming lahat. Minasdan ko ang bangka - wala siyang katig o kawayan sa magkabilang gilid na siyang magbabalanse dito. Walang matinong sagwan kung hindi isang maliit na tabla. Delikado. Malalim ang tubig, lagpas tao - hindi ako marunong lumangoy. Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi ako natakot. Parang me bumubulong sa puso ko "Gagabayan kita. Tuturuan kita. Magtiwala ka". Binigay ko ang knapsack ko sa isang kapatid. Tumuntong ako sa bangka at dahan-dahang inangat ang katawan ko mula sa tubig baha para maupo sa unahang parte nito. "Sigurado ka Kuya?" me narinig ako nagsabi pero parang wala ako sa sarili. Sumunod na umangat sa bangka ang dalawa ko pang kasama - naupo ang isa sa likurang bahagi at yung kapatid na me pamilya na pupuntahan namin naupo naman sa gitnang bahagi. Nararamdaman ko na nanginginig siya kasi umuuga ng malakas ang bangka. Nasabihan siya na maging mahinahon at tumigil kaunti ang pag-uga ng bangka. Me nag-abot sa akin nang mga 3-metrong haba na kahoy, manipis sa isang dulo at makapal sa kabilang dulo - wari ko'y naputol na sanga ng puno. Sinubukan kong imaniobra ang bangka gamit ang mahabang kahoy subalit mahirap siyang gamitin na nakaupo, bumabangga lang kami sa mga sasakyang nakalubog sa baha. Dahan-dahan akong tumayo at sinubukang isagwan ang kahoy. Umuusad naman kami pero sa gilid ng mata ko alam ko ito'y dahil sa tinutulak kami ng isang kapatid na matapang na lumusong sa tubig kahit hanggang dibdib na ang taas nito. Nakaliko na kami sa unang kanto ng subdivision at sumigaw na yung kapatid naming lumusong "Kuya, malalim na dito hindi ko na kaya". Tumugon ako "Ok lang, ipagdasal mo na lang kami", sabay sagwan ulet ng mahabang kahoy.
Sadyang mahaba ang ipinangsasagwan kong kahoy kaya sumasabit siya sa mga kawad ng kuryente na abot kamay na lang namin. Kinailangan kong itaas upang hawiin ang mga kawad ng kuryente para mailusot ang sagwan kong kahoy. Isa pang "extra challenge" ay hindi pantay ang kapal ng magkabilang dulo ng kahoy - manipis sa isang dulo, makapal sa kabilang dulo. Kaya pag ginagamit sa pagsagwan hindi pantay ang takbo namin - me pagkakataong bumabangga kami sa gate ng bahay o sa poste ng Meralco o sa street sign (ganoon kataas ang tubig baha!) Ilang beses kaming umiikot-ikot para maitama ang orientation ng bangka namin sa tuwing bumabangga kami sa mga bagay-bagay. Nagbiro nga ang kasamahan namin "Level 3 na ito!" Nanginginig pa rin ang kasamahan namin na nakapwesto sa gitna, kaya sabi ko magdasal na lang tayo kaya sinubukan naming sambitin ang Ama Namin at Aba Ginoong Maria, pero sa tuwing nababangga kami, natitigil ang pagdasal namin. Sinubukan kong dasalin ang St. Michael prayer pero lalong umuga ang bangka namin - naisip ko tuloy hindi ito oras para kalabanin ang mga pwersa na me pakana ng kalamidad na ito. Tumahimik na lang ako at kinausap ang Diyos sa aking puso "Tulungan mo po kami, Lord". Dumiretso ang aming pag-usad kaya napausal ako nang malakas "Thank you Lord!" Me mga residente na naroon pa rin sa ilang tahanan na iniilawan kami ng kanilang flashlight - alam ko isang malaking tulong na ito sa amin dahil malalim na ang gabi at madilim na ang paligid. Kaya sumisigaw rin ako sa kanila ng "Thank you po!" Nang umabot kami sa susunod na kanto, isang malaking hadlang sa amin ang nakaharang na mga basura at water lily sa aming dadaanan, kasabay ang mababang mga sanga ng puno na sumasabit sa kahoy sa bawat pagsagwan ko. Ilang minuto rin kami urong sulong sa kanto na iyon bago namin tuluyang naalis ang harang na mga water lily at basura sa daan. Tanaw na namin ang bahay ng kapatid namin - katulad ng lahat ng mga bahay, ikalawang palapag na lang ang nasa ibabaw ng tubig. May ilaw ng kandila sa palapag na iyon, kaya nang malapit na kami nagsimula na niyang tawagin ang kanyang pamilya. Unang lumabas ang kanyang kapatid na lalaki sa balkonahe ng ikalawang palapag nila. Tinawag ang iba pang myembro ng pamilya na dali-daling lumabas ng balkonahe. Inikot namin ang bangka para makalapit sa kanilang bahay, at nagulat ako kasi parang bihasa sa pagmaniobra ng bangka, naigilid namin ito sa mismong tabi ng bahay niya para maiabot ang mga dala-dala naming pagkain at damit sa pamilya.
Abot-abot ang pasasalamat ng pamilya ng kapatid namin sa tulong na iniiabot namin sa kanila. Mahigit isang araw na raw silang hindi kumakain, at basa na rin ang kanilang mga damit sa pag-ahon ng ilang kagamitan mula sa unang palapag ng baya patungo sa ikalawang palapag. Dahan-dahan ang kilos ng taong nasa gitna sa pag-aabot ng relief goods dahil kinailangang panatilihin ang balanse ng bangka. Nang maibigay na namin lahat ng pagkain at damit na dala namin, itinulak ko na ang bangka palayo sa bahay - hindi ako makapaniwala na narating na namin ang bahay at papaalis na kami, at hindi pa kami tumataob! Nasa gitna na kami ng daan nang me kumaway sa amin mula s bubong ng isang bahay - isang lalaki na gusto daw makisakay sa amin dahil bibili daw siya ng makakain ng pamilya nila. Nagdadalawang-isip ako kasi baka hindi kayanin ng bangka ang isa pang tao. Pero nanaig ang awa ko dahil naramdaman ko sa pamilyang tinulungan namin ang gutom ng taong hindi nakakain nang mahigit isang araw. Inilapit ko ang bangka sa bubong subalit nahirapan akong ipwesto nang maayos ito - nalaman ko me drainage pala na humihigop ng tubig baha sa likuran namin. Medyo natakot ang kapatid namin na nasa likod baka higupin ang bangka namin ng drainage. Pinanatili kong maging kalmado at sinubukan muli na ilapit ang bangka sa bubong kung saan naroon ang taong gustong makisabay sa amin. Dahan-dahan siyang bumaba sa bangka at umupo sa pinakaharapan nito. Naramdaman ko na me kaunting tubig na pumasok sa bangka, at inaamin ko kinabahan ako nun - mukhang me butas na ang ilalim ng bangka. Nagpakalma ulet ako at nang balanse na ulet ang bangka, itinulak ko na ulet papalayo sa bubong at nagsimula na ulet magsagwan. Sinabihan ko yung kapatid na nakapwesto sa gitna na me hawak na tabla na tulungan ako sa pagsagwan - sabay kami sa kaliwa tapos sa kanan hanggang naramdaman namin na mas mabilis nang umuusad ang bangka. Naroon ulet ang mga basura at water lily sa kanto kaya sinabi ko sa taong nakisakay sa amin na kamayin palayo ang mga ito para makadaan kami. Mas mabilis na kami nakaliko sa kantong iyon kaya natuwa na ako. Me tumawag ulet sa amin mula sa isang mataas na bahay. Mga lalaki ito na sa wari ko ay nagkakasiyahan sa balkonahe ng isang bahay. Gusto daw makisabay din sa amin papalabas. Sa pagkakataong ito, pakiwari ko hindi magandang ideya na ilapit pa muli ang bangka - baka hindi na kayanin ang isa pang bigat ng tao at tuluyan kaming lumubog. Tinuloy ko lang ang pagsagwan hanggang naaninag ko ang kapatid namin na lumusong hanggang leeg na naghihintay sa amin. Tinawag niya ang pangalan ko kaya alam ko na siya nga yun. Malapit na kami sa "pampang" kung gayon.
Lumapit siya sa bangka at sinumulang itulak sabay ang aming pagsagwan. Mabilis kaming nakaliko sa huling kanto at natanaw na namin ang mga tao sa "pampang" na wari'y nakaabang sa aming pagdating. Nakababa kami sa "pampang" at alam ko isang napakalaking ngiti ang nasa mukha ko nuon. Nagtagumpay kami! Umapaw ang laking pasasalamat ko sa Diyos na alam kong siyang dahilan na nakapunta kami sa pamilya ng kapatid namin at nakabalik kami sa "pampang" na hindi kami tumataob, sa kabila na mahirap ibalanse ang bangka dahil wala siyang kawayang katig. Nagulat ang mga kapatid naming naiwan sa bukana ng subdivision dahil hindi man nabasa ang aming mga damit - patunay na hindi kami tumaob. At noon ko lang napagtanto, nasa bulsa ko ang wallet ko at dalawang cell phones ko - kung sakaling tumaob kami sa gitna ng malalim na tubig na iyon, wala na ang mga ito. At dahil hindi rin ako marunong lumangoy, marahil ay wala na rin ako. Patuloy na nag-umapaw ang pasasalamat ko sa Diyos kabilang ang paghanga ko sa aking sarili at sa mga kasama ko sa bangka sa nagawa naming iyon. Thank you, thank you, thank you Lord!
Matapos maligo sa alcohol at yung kasama namin na nilusong ang baha ay magpalit ng pang-itaas na damit, naglakad na kami pauwi. Hindi namin alintana ang haba ng nilakad namin dahil punong puno kami ng kwento kung paano namin sinuong ang baha at kung paanong milagro kaming nakaligtas sa pagtaob ng bangka. Pagdaan namin sa simbahan ng Rosario, narinig namin na kinakanta na ang Ama Namin. Dahil ang ilan sa amin ay hindi nakapagsimba dahil sa ginawa naming pagtulong sa isang kapatid, minarapat na naming dumaan sa simbahan. Pagpasok sa loob, napansin ko agad ang istatwa ni San Lorenzo Ruiz sa harap ng altar. Bisperas nga pala ng pista ni San Lorenzo! Nagpasalamat din ako sa kanya marahil isa siya sa mga gumabay sa amin sa pamamangka namin - sapagkat siya rin mismo ay nakaranas ng delubyo sa gitna ng dagat sa paglalakbay nila kasama ang mga misyonero. Thank you San Lorenzo! Tapos napansin ko ang larawan ni Santa Teresita - isang litrato siya ng kanyang maamong mukha, at waring nangungusap ang mga mata niya sa akin. Naalala ko na siya ang nagturo ng "spiritual childhood" sa Simbahan. At duon ko napagtanto - isang aral ng spiritual childhood ang naranasan namin ngayong gabi. Mga katagang "trust and obey" ang paulit-ulit na umapaw sa puso ko. Napuno ako ng galak sa nalaman ko.
Oo nga naman. Kaya ako tumayo sa harap ng bangka sapagkat narinig ko ang Diyos sa aking puso na nagsabing "Gagabayan kita. Tuturuan kita. Magtiwala ka". At dahil sumunod ako, sumunod kami, sa narinig ng puso ko - napatunayan ang mga katagang ito. Tunay ngang ginabayan kami, tinuruan kami ng Diyos sa kabuuan ng aming pamamangka. Hindi ako marunong sa pamamangka, ni hindi nga ako marunong lumangoy - pero nung makita daw ako ng mga kapatid na tumayo at simulang isagwan ang mahabang kahoy, mukha daw akong ekspertong bangkero! Nag-umapaw muli ang pasasalamat sa aking puso. Thank you so much Lord!
Subalit kadalasan sa ating buhay, sa aking buhay, hindi ako ganoon magtiwala sa Diyos. Madalas nasa pampang tayo at natatakot "to go into the deep" kasi walang kasiguraduhan ang paglalakbay na gagawin. Kaya pala siya tinawag na "leap of faith" kasi literal na iaangat mo ang paa mo patungo sa isang lugar o sitwasyon na hindi mo alam. Isang pagtitiwala ng isang anak sa kanyang ama na bagamat hindi niya tantya kung gaano kataas ang babagsakan niya, tiwala siya na sasaluhin siya ng kanyang butihing ama sa ibaba. Complete trust and surrender to God - ito ang kailangan natin lalo na at nasa sitwasyon tayo na sa maraming tao ay wala nang pag-asa. Mahirap subalit kailangang gawin. Ang bangka na sasakyan natin - ang komunidad na ibibigay sa atin - para makarating tayo sa patutunguhan ay hindi perpekto. Madalas walang katig at kailangang bumalanse ang lahat ng taong sasakay para manatiling nakalutang ang bangka. Dun ko nakita ang halaga ng bawat miyembro ng komunidad - bawat isa ay may kakayahang itaob o panatilihing nakalutang ang bangka. Nawa maisabuhay ko - natin - ang mga aral na natutunan sa karanasan nating ito. Nawa maging inspirasyon ito sa ating lahat na bagamat sa pananaw natin wala nang pag-asa, lagpas tao na ang problema natin sa buhay, mayroon pa ring bangka tayong sasakyan, at ang matibay na pagtitiwala natin sa Diyos na lubos na nagmamahal sa atin ang siyang magiging tanggulan natin anumang unos ang dumating sa ating buhay. Ang lahat nang ito, nang dahil sa bahang dulot ni Ondoy.
Salamat sa ating Diyos!

No comments:
Post a Comment