Thursday, February 25, 2010

Alfie's Journey with Courage



Paglalakbay Kasama ang Courage

Tulad ng mga nakaraang taon masasabi ko na naging makabuluhan ang paglalakbay ko tungo sa ganap na pagbabago. Lingid sa kaalaman ng mga nakakarami na bukod sa Courage may dalawa pa akong grupong sinasamahan. Hindi ako huminto sa pagtuklas ng mga bagay o paraan na lalong makakatulong sa akin bilang tao, tagasunod ni Cristo. Hindi ko sinasabing may pagkukulang o mas nakakaangat ang ibang grupo kaysa Courage ngunit ang nais ko lang ipahatid sa lahat na napakaraming kaparaanan ang Diyos upang ipadama niya ang Kanyang pagmamahal sa akin. Ang daming biyaya ang nakahain na lahat makakatulong kaya sinamantala ko ang pagkakataon. Hangga’t kaya ko ay nagpaka-involved ako sa tatlong grupo at heto ako ngayon handang magbigay mukha sa ating grupo. Maraming salamat sa Courage.

Kung ano man ang tinatamasa kong mga biyaya ngayon ay dahil na rin sa mga kapatid na walang sawang sumoporta at umalalay. Paumanhin kung minsan ay umiiral pa rin ang katigasan ng aking ulo, ngunit sa kabila ng lahat ng pagkakamali at pagkukulang ay nariyan pa rin ang Courage handang umalalay at tumanggap, patuloy na lumilingap at nagpapaalala na kung saan ako nadapa ay doon din ako babangon. Humihingi ako ng kapatawaran sa mga kapatid na nakapagdulot ako ng pasakit bagamat hindi kayo nagsasalita. Hindi ako manhid para di ko maramdaman ang dinadamdam ninyo sa akin. Sa mga panahon na nagkulang ako, patawad. Marahil isa itong aral sa akin na ang totoong community ay hindi perpekto. Natural lamang ang awayan o tampuhan, hindi puro bolahan. Tinawag ako sa grupo na ito ng Diyos hindi dahil perpekto ako kundi dahil may kakulangan ako at sa aking kakulangan tanging Siya lamang ang magpupuno at magbubuo.

Maraming Salamat Courage. Tuloy ang paglalakbay kasama ako. Hindi ka nag-iisa.

No comments:

Post a Comment