(Paunawa: Sapagkat ang isyu ng Reproductive Health Bill ay isang napakamainit at kontrobersyal na paksa sa ating lipunan ngayon, minarapat kong ilahad ang usaping ito sa wikang mas naiintindihan ng nakararaming Pilipino upang sa ganoon ay higit na maunawaan ng mga mamamayan ang mga pangunahing dahilan kung bakit ang Simbahang Katoliko ay labis na tumututol sa panukalang batas na ito. Paumanhin po sa mga dayuhang mambabasa ng blog na ito.)
Isang Praymer Pangkaalaman Mula sa Pro-Life Philippines Foundation
Ano ba ang RH Bill?
Ayon sa mga sumusuporta rito, ang Reproductive Health Bill ay isang panukalang batas na naglalayong palawigin ang pangkalahatang paggamit ng iba’t ibang uri ng reproductive health care services kasama na ang artificial contraception.
Sa nakalipas na 10 taon, masigasig na iminumungkahi at binubuhay ang panukalang ito ng mga pulitikong pro-RH. Isa na sa mga ito ay ang may-akda ng House Bill 96 na si Cong. Edcel Lagman ng Albay. May anim pang ibang bersyon ng RH sa kamara na may magkakaparehong hangarin din.
Ano kaya ang tunay na layunin nito?
1. Bumaba ang bilang ng populasyon na siyang sanhi raw ng kahirapan sa bansa?
2. Iligtas daw ang bilang ng mga namamatay dahil sa pagbubuntis?
3. Limitahan daw ang bilang ng mga kabataang nabubuntis o teenage pregnancies?
4. Lutasin ang pagkalat daw ng STD at HIV sa pamamagitan ng sapilitang sex education at pamimigay ng condoms at iba pang contraceptives.
Mukha nga bang maganda ang layunin ng RH at pro-life pa daw ito sabi ni Cong. Lagman. Bakit dapat ayawan nating lahat rito?
KASINUNGALINGAN AT KABALIGTARAN ANG MANGYAYARI SA RH!
Dahil sanhi raw ng kahirapan ang paglaki ng populasyon??? MALI !!!
Hindi ba’t ang corruption, maling pamamalakad ng gobyerno at paglustay ng mga pulitiko sa kaban ng bayan sa mga hindi epektibong proyekto ang may mas malaking dulot ng kahirapan sa bansa?...TAMA!!!
Sabi pa nga ng Bangko Sentral ng Pilipinas, malaking bentahe ang paglaki ng populasyon sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Kaya dapat pigilin ang corruption, hindi ang paglaki ng populasyon!...TAMA!!!
Dahil hindi solusyon ang pamumudmod ng contraceptives sa pagpapababa ng maternal and infant death rate...TAMA!!!
Ayon sa National Demographic and Health Survey noong 2008, 44 percent lamang ng mga panganganak ang nairaraos sa pagamutan at 62 percent lamang nanganganak ng may kasamang doktor o kumadrona.
Kung ito ang sitwasyon, malayong solusyon ang paggamit ng contraceptives tulad ng pills at IUD. Sa katunayan nga, mas magdudulot pa nga ang mga ito ng pagdami ng mga namamatay na ina at sanggol dahil linggid sa kaalaman ng karamihan, may abortifacient effect ang mga ito na makapipinsala sa kalusugan at sa buhay mismo ng nagbubuntis at ng kanyang supling.
KASINUNGALINGAN AT KABALIGTARAN ANG MANGYAYARI SA RH!
TANDAAN NATIN: WALANG ARTIPISYAL NA KONTRASEPSYONG HINDI NAGDUDULOT NG KANSER AT IBA PANG SAKIT SA GUMAGAMIT NITO
Bakit hindi na lang gamitin ang pondo para sa RH para sa emergency at comprehensive obstetric care services pati na rin sa pagpapataas ng sweldo ng mga doktor at nars sa bansa? Ito dapat ang pokus ng panukalang batas at hindi ang pagtrato sa pagbubuntis bilang sakit na kailangang iwasan.
Dahil hindi solusyon ang sapilitang sex education sa pagpapababa ng bilang teenage pregnancies o maagang pagbubuntis sa bansa.
Sa Section 13 ng HB 96 ni Lagman, pilit na ipapatupad ang Adolescent Reproductive Health Education Curriculum na magsisimula sa Grade 5. Kung isa kang magulang, wala kang magagawa upang pigilan ang iyong anak na 9 na taong gulang na maturuan ng kaniyang mga guro tungkol sa pakikipagtalik o sa paggamit ng condoms at pills. Hindi ba’t bilang isang magulang, karapatan mo kasama ng iyong asawa ang magdesisyon kung paano tuturuan ang iyong anak tungkol sa kanyang sekswalidad? At paano kung labag sa relihiyon at sa kultura ng mga magulang ng bata ang pagtuturo tungkol sa contraceptives, wala ba silang karapatan na tumanggi rito?
Dahil hindi lunas ang sapilitang sex education at pamimigay ng condoms at iba pang contraceptives sa pagpigil sa pagkalat ng STD at HIV.
Sa Thailand, na isa sa mga bansang tumangkilik sa condoms, mayroon ng 899,000 na kaso ng HIV/AIDS at 125,000 na ang namamatay simula 2003. Higit pa sa 20% ang pagpalya ng condoms. Kumbaga sa life vest, hindi ka siguradong lulutang mula sa pagkalunod dahil sa mga “butas” nito. DARAMI PANG LALO ANG MAGKAKASAKIT.
Sa Section 22 ng HB 96, kailangang mamigay ang mga doktor ng contraceptives at magsagawa ng ligation at vasectomy kahit naniniwala silang masama ang epekto nito sa kalusugan at kahit labag ito sa kanilang relihiyon at kultura. Kapag sila ay tumanggi, maaari silang ikulong at patawan ng multa mula P10,000-P50,000. Gayun din ang mangyayari sa lahat ng mga employer na ayaw mamigay ng mga contraceptives sa mga tauhan nito ayon naman sa
Section 18. Sa tingin niyo, makatao ba ang ganitong batas?
Mapaniil ang RH Bill sa mga paniniwalang moral, relihiyoso at kultural.
Ano ngayon ang solusyon?
AKO AT IKAW, SIMULAN NG MAGBAGO.
Sa halip na population control, corruption control dapat!
Sa halip na artificial contraceptives, natural na pagplano ng pamilya dapat!
Sa halip na sapilitang sex education, turuan ang mga magulang at kanilang mga
anak sa pagpapahalaga sa buhay at pamilya!
Sa halip na condom distribution, isulong ang katapatan ng mag-asawa at pag-iwas ng mga dalaga’t binata sa pre-marital sex!
Ibasura ang pakanang dayuhang RH Bill at isulong ang HOUSE BILL 13.
Ang House Bill 13 o Protection of the Unborn Child Act of 2010 ni Cong. Roilo Golez ng ParaƱaque ay panukalang batas na nakasentro sa pangangalaga ng buhay ng mga sanggol simula sa unang sandali ng pagbubuntis ng ina at ipagbawal ang iba’t ibang uri ng panganib tulad ng aborsyon at contraceptives na pampalaglag.
IPAGLABAN ANG KARAPATAN SA MALAYANG KONSENSYA!
No comments:
Post a Comment